MANILA, Philippines - Nagsisimula nang bumuhos ang suporta kay Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr. para sa pagka-speaker sa Mababang Kapulungan.
Ipinahayag ni Bagumbayan party vice presidential bet at dating pinuno ng Metro Manila Development Authority Bayani Fernando na suportado nito si Mayor Belmonte sa hangarin na makuha ang pang-apat na pinakamataas na puwesto sa pamahalaan.
Kinilala ni Fernando ang liderato ni Belmonte na nagtala sa Quezon City bilang pinakamahusay na local government unit ngayon sa bansa.
“Walang hihigit pa kay Mayor Belmonte bilang speaker,” ani Bayani nang dumalo ito sa flag-raising ceremony sa QC Hall noong Lunes.
Si Belmonte, na tumatakbong kinatawan sa ikaapat na distrito ng lungsod ang napipisil na pambato ng Liberal Party sa pagka-speaker sa Mababang Kapulungan.
Kabilang sa mambabatas na nagpahayag na ng suporta kay Mayor Belmonte bilang speaker si Mandaluyong City Representative Neptali Gonzales II na kamakailan lamang ay tumiwalag sa partidong Lakas na pinamumunuan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Si Belmonte ang magiging pambato ng LP laban kay Pangulong Arroyo na tumatakbong kinatawan sa ikalawang distrito ng Pampanga at naghahangad din na sungkitin ang pinakamataas na posisyon sa House of Representatives.
Sa kasalukuyan, ang lungsod Quezon ay kinikilala bilang isa sa pinakamahusay at pinakamaunlad na pamahalaang local sa bansa at maging sa Asia dahil sa pamamalakad ni Mayor Belmonte.