Car painter tinodas ng stepson
MANILA, Philippines - Isang car painter ang patay matapos ataduhin ng saksak ng kanyang stepson dahil sa simpleng pagtatalo nang tumanggi ang huli sa utos ng una na magluto ng kanilang hapunan sa Brgy. Batasan, Quezon City kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Freddie Sanchez, 43, binata, ng C-14, Kagitingan St., Batasan Hills.
Mabilis na tumakas ang suspek na si Martin Calvadores, 20, helper, ng nasabi ring lugar.
Ayon kay SPO2 Neil Garnace, may-hawak ng kaso, ang simpleng pagtatalo kaugnay sa pagluluto ng kanilang hapunan ang naging ugat upang mauwi ito sa pananaksak na siyang agad na kinasawi ng biktima.
Nangyari ang insidente sa kanilang compound sa may ikalawang palapag ng kanilang tahanan sa may Kalayaan St., C-14 corner Kagitingan St., Brgy. Batasan bandang alas-8 ng gabi.
Bago nito, nang magkita ang dalawa sa kanilang bahay ay inutusan ni Sanchez ang suspek na magluto ng kanilang pagkain ngunit tumanggi ang huli.
Dahil dito, nagalit ang biktima sanhi upang mauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumaba ng ground floor ang una at hinamon ng suntukan ang anak-anakan.
Sa paghahamon ng biktima ay lalong ikinagalit ng suspek at nagtungo ito sa kanilang kusina saka dumampot ng patalim bago mabilis na nilusob ang una at pinagsasaksak.
Bagama’t sugatan ang biktima ay nagawa pa nitong makatakbo sa bahay ng kanilang land lady na si Daisy Tolentino para humingi ng tulong.
Nagawa pang maitakbo ng mga residente ang biktima sa may Fairview General hospital ngunit, dahil sa natamo nitong saksak sa likod, sikmura at kanang siko ay idineklara din itong patay.
- Latest
- Trending