MANILA, Philippines - Isang binata ang namatay habang dalawa katao pa ang sugatan sa rambulan ng dalawang grupo ng kabataan sa isang pista sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Far Eastern University hospital ang biktimang si Albert Maigue, 29, binata, sign painter at nakatira sa #16 Jungie St. Rolling Hills, Brgy. Kaligayahan sa lungsod.
Ginagamot din sa nasabing ospital ang iba pang mga biktima na sina Merylle Kitz Cayaban, 24; at Rogelio Tampos Abalos,41 na nagtamo rin ng mga sugat sa katawan at braso.
Samantala, arestado naman ang mga suspek na sina Allen Austria, 26, at tiyuhin nitong si Ruben Austria, 53, at isang Albert Napaud, 32, ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ni PO2 Joy Marcelo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may bisinidad ng Quirino highway ganap na alas-8:30 ng gabi.
Bago nito, sinasabing papunta sana sina Cayaban at Abalos sa basketball awarding ceremony sa lugar nang harangin sila ni Allen at biglang inatake sila ng saksak.
Nakita naman ni Maigue ang pangyayari dahilan para sumaklolo ito kasama ang ilang concerned citizen subalit maging siya ay sinaksak naman ng suspek.
Matapos nito, nauwi sa rambulan ang insidente.