MANILA, Philippines - Muling pinatotohanan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang kanyang ipinangako sa sarili na makapagtatag ng mas maraming ospital at health centers na magbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga mahihirap na taga-lungsod sa pamamagitan ng pagbubukas kahapon ng tatlong palapag na annex ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo.
Inanyayahan din ni Lim ang mga residente na nagtungo upang saksihan ang pagbubukas upang samantalahin ang mga bagong uri ng serbisyong iniaalay doon kagaya ng CT scan, ultra sound, c-arm xray at stress tests. Ang nasabing annex ay kumpleto din sa cardiac monitors at delivery tables o paanakan, at ito ay magsisilbi bilang outpatient at radiology departments ng GABMMC.
“Ang ipinagpatayo sa ospital na ito ay mula sa buwis na ibinabayad ninyo. Kaya naman para sa inyo ang ospital na ito,” ani Lim kasabay ng pahayag na hindi magiging kongkreto ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng maraming ospital at health centers kung walang suporta ng konseho sa pamumuno ng presiding officer na si Vice Mayor Isko Moreno at 22 konsehal na kaalyado nito.