MANILA, Philippines - Natagpuang patay sa loob ng kanyang inuupahang silid sa isang hotel ang isang Canadian national sa hindi pa mabatid na dahilan noong Sabado ng gabi sa Makati City.
Kinilala ng kanyang Pilipinang kasintahan ang nasawi na si Thomas Alexander Cooke, 62-anyos. Natagpuan itong walang buhay sa loob ng Room 502 ng Great Eastern Hotel sa Makati Avenue, ng naturang lungsod.
Sa naantalang ulat ng Makati police, nabatid na nag-check-in sa naturang hotel sina Cooke at si Jeovelyn Alejan dro, nasa legal na edad, nitong nakaraang Sabado ng gabi.
Ayon kay Alejandro, iniwan niya ang dayuhan upang bumili sa labas ng kanilang pagkain upang makamura dakong alas-11:45 ng gabi. Ngunit pagbalik niya ay nakahiga na sa sahig sa loob ng kuwarto si Cooke.
Inakala umano ni Alejandro na nakatulog lamang sa labis na kalasingan ang kasintahan dahil umiinom umano ng alak ang lalaki nang kanyang iwan kaya hinayaan niya munang makatulog ito.
Ngunit nang kanyang gigisingin na para lumipat sa kama ay saka lamang niya nadiskubre na wala na itong buhay kaya mabilis na humingi ng tulong sa front desk ng hotel.