1 nasawi, 5 sugatan sa sunog
MANILA, Philippines - Isa katao ang iniulat na nasawi habang lima pa ang sugatan sa halos 12 oras na sunog na lumamon sa mahigit sa 600 tahanan sa Brgy. Damayang Lagi, Quezon City, ayon sa ulat ng kagawaran ng pamatay-sunog kahapon.
Ayon kay Senior Fire Officer 1 Rosendo Cabillon, Central Fire investigator ng Quezon City, nakilala ang nasawi na si Andres Donamico, 32, binata.
Sugatan naman sina Anthony Jose, 27; Rommel Telbe, fire volunteer; Victorio Almen, 35; Wilfredo Figueroa; at Ram Chicho, fire volunteer. Si Donamico umano ay nasawi matapos na ma-suffocate sa usok habang nasa loob ito ng kanyang tirahan.
Sa inisyal na imbestigasyon, umabot sa 3,000 pamilya na ang nawalan ng tirahan sa sunog na nagsimula sa umano’y napabayaang nilulutong pagkain.
Sa ulat ni SFO1 Jose Felipe Arisa, imbestigador, pasado alas-4:00 ng hapon nang magsimula ang apoy sa isang tahanan sa E. Rodriguez Blvd., Brgy. Damayang Lagi.
Samantala, agad namang sumuporta sa mga apektadong residente si Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte at nagtungo sa lugar kasabay ng pangako na pansamantalang ilalagay ang mga residente sa isang relocation site at ipagkakaloob ang pangangailangan ng mga ito.
- Latest
- Trending