Kandidatong mayor ng LP inaresto
MANILA, Philippines - Nalaglag sa isang entrapment operation ang isang kandidatong alkalde ng Liberal Party sa Las Piñas City at isa pang kasabwat nito dahil sa pagbebenta ng mga “identification cards” sa napakataas na halaga sa 36 katao.
Kinilala ni DIID chief Sr. Supt. Adolfo Samala ang mga nadakip na sina Felix Sinajon, 71, residente ng Lupang Pinagpala, Talon I at opisyal na kandidatong mayor ng Las Piñas, at Gloria Guerrero, 48.
Tatlo pang kasama ng mga suspek na nakilala sa mga pangalang Mariano Sumayon, Jr., Elena Picayo at Helen Dalnacio ang hinahanap ng pulisya.
Nabatid sa ulat na unang dumulog sa Las Piñas Police ang may 36 katao kasama ang crew ng isang investigative program sa telebisyon at inireklamo ang umano’y pagbebenta nina Sinajon ng ID ng grupong Filipino Alliance Movement- Sports Group na nagkakahalaga ng mula P500 hanggang P1,000.
Nabatid na may mga logo ng iba’t ibang pribado at government agency ang naturang ID tulad ng Department of Interior and Local Government, National Press Club, Commission on Human Rights, Armed Forces of the Philippines, at Patrol 117. Ibinibenta umano ito ng mga suspek bilang proteksyon.
Sinamahan naman ng mga tauhan ng DIID ang mga biktima kung saan isinagawa ang entrapment operation dakong ala-1 kamakalawa ng hapon sa isang noodle house sa Barangay Talon 1.
Naisampa naman ang mga kasong “syndicated estafa at extortion” laban kina Sinajon at Guerrero kahapon ng tanghali bago lumagpas ang 24 na oras na palugit. Inaasahan naman na agad na magpipiyansa ang dalawa.
Pinabulaanan ni Sinajon ang akusasyon laban sa kanya at sinabing pamumulitika ang nasa likod ng naturang operasyon laban sa kanya.
- Latest
- Trending