MANILA, Philippines - Patok ang mga graduates ng Quezon City Polytechnic Univer sity (QCPU) sa tumataas na demand ng manggagawa sa Information Technology at Entrepreneurial Management sa bansa.
Ito ang pinatunayan ng dalawang estudyante na nagtapos sa QCPU nitong nakaraang graduation day kung saan agad silang kinuha ng dalawang malaking kumpanya bilang empleyado.
Ang LTC Multi-Services Inc., isang Makati-based manpower agency na may kliyente ng naglalakihang mga banko sa bansa ang nag-alok kina Roy S. Minorca at Mary Preseed Grace B. Acayang ng trabaho sa PS Bank at Fuji Xerox Phils.
Si Minorca na nakatapos ng Entrepreneurial Management ay kinuha bilang officer staff sa PS Bank samantalang si Acayang na nagtapos naman ng Information Technology sa nasabing unibersidad ay bilang IT-related staff sa Fuji Xerox Phils.
Bukod dito, nag-aalok din ang Metrobank at Rizal Commercial Banking Corp. ng trabaho sa mga nagsipagtapos sa QCPU. Ang demand sa trabaho sa mga QCPU graduates ay dahil sa proyektong IROG (Industry Response to Outstanding Graduates) na inilunsad ng QC government ngayong taon upang maengganyo ang mga kumpanya na kunin bilang manpower force nila ang mga graduates ng QCPU.
Sa nakaraang graduation rites ng QCPU iginiit ni Mayor Feliciano Belmonte Jr. ang kagustuhan ng pamahalaang lungsod ng Quezon na tugunan ang mga skills development needs ng mga estudyante ng QCPU upang makatugon sa pangangailangan ng technology-driven age ngayon.
“Our investment in building up your knowledge will be your own seed investment in better future, make sure that this investment grows,” ani Belmonte.