MPD official, 1 pa nasa hot water
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang reklamo ng mga residente ng Dagupan Extension sa Tondo ukol sa umano ay paggamit ng isang opisyal ng MPD at tauhan nito sa kanyang posisyon upang mag-imbento ng kaso upang makapangikil lamang.
Inatasan ni Lim si Sr. Supt. Alex Gutierrez, district directorial staff chief ng MPD, upang siyasatin ang reklamo laban kina PO3 Jason Magbitang ng anti-illegal drugs unit at hepe ng MPD-Station 7 na si Supt. Romeo Sedanto dahil sa umano’y ginawa nitong pag-aresto sa ilang residente nang wala namang kaso at pagkatapos ay hinihingan lamang ng pera kapalit ng kalayaan nito at hindi pagkakaroon ng kasong drug use o possession.
Kasabay nito, nagbabala si Lim sa mga kapulisan na huwag gamitin ang kanilang mga uniporme o awtoridad upang mang-api ng mga inosenteng sibilyan, dahil hindi umano niya ito papayagan sa Maynila hang ga’t siya ang nakaupong alkalde.
Dininig ni Lim ang reklamo ng mga residente hinggil sa maling paraan ng pag-aresto kay Ricardo Soller bunsod ng drug charges ni Magbitang na inireport naman nito kay Sedanto. Gayunman, sinabi naman nina Soller, Cabrera at mga residente na nitong nakaraang Sabado na kinakaladkad umano ni Magbitang si Soller na noon ay kanyang inaaresto sa hindi malinaw na kaso.
Sinabi ni Soller kay Lim na noong Oktubre 2009 ay inaresto na din siya ni Magbitang dahil sa paggamit ng iligal na droga kung saan hiningan umano siya ng P70,000 kapalit ng kalayaan at kawalan ng kasong isasampa laban sa kanya. Ang naturang pera ay ibinigay umano ng kanyang kamag-anak sa dalawang pulis sa loob mismo ng istasyon ng pulis.
- Latest
- Trending