Problema sa mga ospital sa Maynila, binabalewala
MANILA, Philippines - Tinawag ni Puwersa ng Masang Pilipino (PMAP) National Chairman Ronald Lumbao na malayo sa katotohanan ang sinasabing prinayoridad ni Manila Mayor Alfredo Lim ang patungkol sa kalusugan ng mga taga-lungsod.
Ito ang naging pahayag kahapon ni Lumbao kontra kay Lim bunsod ng umano’y pagkakalat ng mga paratang ng alkalde sa kanyang mga caucus na umano’y may mga taong ‘sumasabotahe’ sa mga ospital na nasa ilalim ng pangangalaga at pamamahala ng Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Lumbao, hindi nakikita ng pamahalaang lungsod ang nangyayari sa loob ng mga ospital na bukod umano sa walang stock na gamot, sinisingil din ng kaukulang bayad ang mga pasyente rito sa paggamit ng mga hospital facilities na dapat sana ay libre o walang bayad.
Anito, “mismong ang mga tao, ang mga pasyente na ang nagsasabi na walang supply na gamot sa mga hospitals natin sa Manila. Kapag na-ospital ka, ikaw pa ang kinakailangang mag-provide o magproduce ng gamot mo... ang masaklap dito, pati yung paggamit ng mga facilities ng hospitals na dapat sana ay libre rin ay pinapabayaran sa mga pasyente. Halatang hindi na alam ng Mayor ang nangyayari sa mga constituents niya, obviously, ang mga nakapaligid na lang sa kaniya ang nagpapatakbo ng lungsod,” pahayag ni Lumbao.
Samantala, sinegundahan rin ng isa pang Manila Mayoralty candidate ang naging pahayag ni Lumbao kontra Lim. Ani Nationalist People’s Coalition (NPC) na si dating PNP Chief at Presidential Adviser on the Peace Process Sonny Razon, ganito rin umano ang hinaing ng mga maliliit na Manilenyo sa kanyang pag-iikot sa lungsod. Kaya naman nagpahayag ito ng pangamba na kapag nagpatuloy umano ang ganitong uri ng pamamalakad sa Maynila ay patuloy na mapag-iiwanan sa pag-unlad at magiging lugmok sa kahirapan ang lungsod kung ikukumpara sa iba pang lungsod sa Metro Manila na hindi maawat sa pag-unlad.
- Latest
- Trending