Makulit na panadero tinodas
MANILA, Philippines - Namatay ang isang 24 anyos na panadero nang pagtulungang saksakin ng kanyang mga kasamahan na umano’y nainis sa kanyang kakulitan habang lango sa alak sa Barangay Nagkaisang Nayon, Nova, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Dennis Francisco, 24, binata, stay-in sa Bulan’s Bakery Store sa 19 Damong maliit St., Queensland Subdivision, Barangay Nagkaisang Nayon.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na sina Mario Tito, 27, binata; at isang alyas Ar-jay, may-asawa, pawang kasamahan ng biktima sa trabaho.
Nauna rito, lasing na nang dumating si Francisco sa Queensland Bakery para magreport sa trabaho.
Naabutan ni Francisco sina Tito aty Ar-jay na nagsisimula nang magtrabaho. Dahil lasing, sinabihan ang biktima ng mga suspect na matulog na lang kung kaya inihatid nila ang una sa isa pang branch ng panaderya, ang Bulan’s Bakery.
Ayon kay Bonna Mules, kahera ng bakery, nakita niyang dumating ang tatlo sa kanilang panaderya ganap na alas-8:40 ng gabi kung saan inalalayan ng mga suspek ang biktima sa unang palapag dito para magpahinga.
Ilang minuto ang lumipas, narinig na lamang umano ni Mules ang katagang “Pre huwag.. huwag.” mula rito hanggang sa puntahan niya kung saan nakita niya ang duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa lapag.
Dahil dito, agad na tumakbo papalayo si Mules at iniwan ang biktima at dalawang suspek sa nasabing lugar saka tumawag ng saklolo sa otoridad. Mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos ang nasabing insidente.
- Latest
- Trending