Totoy todas sa 'kendi' ng kandidato
MANILA, Philippines - Isang apat na taong gulang na batang lalaki ang namatay nang masagasaan at magkabali-bali ang mga buto habang nakikipag-agawan sa mga kendi na ipinamumudmod ng isang kandidatong konsehal sa Maynila kamakalawa ng hapon.
Namatay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Dirk Pacheco ng Kagitingan St., Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Bureau of Traffic Management, dakong alas-4:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng Kagitingan at St. James Streets, Tondo.
Habang nangangampanya ang kandidatong konsehal na si Peter Ong, gamit umano sa convoy ang isang mini fire truck na minamaneho ng isang “Ricky” nang maghagis umano ng mga kendi sa mga nanonood ng kampanya.
Nakipag-agawan din umano ang bata hanggang sa hindi umano napansin ng fire truck ang nakayukong bata at nasagasaan ito.
Isinugod ang biktima sa nasabing ospital subalit masyadong napinsala ang mga buto na nagkabali-bali kaya makalipas ang ilang oras ay idineklara itong patay.
Nangako naman ang kampo ni Ong na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot at pagpapalibing sa biktima.
- Latest
- Trending