MANILA, Philippines - Iniligtas ng Department of Justice sa kasong multiple murder kaugnay sa Maguindanao massacre sina suspendidong si Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan at Mamasapano Mayor Datu Akmad Ampatuan.
Ito’y dahil sa naging kautusan ni Acting Justice Secretary Alberto Agra sa prosekyusyon matapos katigan ang inihaing petition for review ng dalawang respondents-petitioners dahil sa kakulangan umano ng sapat na ebidensiya.
Nilinaw ni Agra na ang pagbasura sa kaso ng dalawa ay bunsod ng walang nakitang sapat na basehan sa akusasyong nakipagsabwatan sila sa pag-ambush sa convoy ng maybahay ni Buluan Mayor Esmael Mangudadatu na ikasawi ng may 57 katao noong Nobyembre 23, 2009.
Pinagbatayan din ang sertipikasyon ni Zaldy mula sa Philippine Airlines na noong Nobyembre 22, 2008 ay nasa Davao ito dahil sa pagdalo sa Kanduli meeting ng regional governors. Ang petsang nabanggit ay ang preparasyon umano sa pag-ambush sa convoy ng mga Mangudadatu.
Sa kaso ni Akmad, pinaburan din ang kanyang petition for review dahil sa kawalan ng testigo at maging ang National Bureau of Investigation o Philippine National Police ay hindi siya pinangalanan na sangkot sa kaso.
Gayunman, hindi naman nagtagumpay na makaligtas sa nasabing kaso sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at Shariff Aguak Mayor Datu Anwar Ampatuan.
Samantala, halos limang buwan matapos ang karumaldumal na Maguindanao massacre, magkakasama na ngayon ang anim sa maimpluwensyang miyembro ng angkan ng mga Ampatuan at 47 pang suspek na pulis sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Bandang alas-10 ng gabi nitong Biyernes nang lumapag sa Villamor Air Base sa Pasay City ang sinasakyang C-130 cargo plane ng Philippine Air Force na naghatid sa mag-aamang sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., Zaldy “Puti” Ampatuan, dating Acting Maguindanao Gov. Sajid Ampatuan, Shariff Aguak Mayor Anwar Ampatuan at dating Ampatuan Vice Mayor Akmad Ampatuan.
Si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. ay unang inihatid dito mula sa detention cell nito sa National Bureau of Investigation.
Una rito, inutos ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang paglilipat sa Bicutan jail ng lahat ng mga akusado sa masaker.
Sa ulat ng tanggapan ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, tulad ng karaniwang bilanggo, nakaposas ang mga Ampatuan nang dalhin ang mga ito sa kanilang bagong kulungan bago sila nagkita-kita ni Andal Jr.