MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Manila 3rd district councilor at re-electionist na si Atty. Joel Chua na isang malaking kasinungalingan ang naglabasang black propaganda laban sa kanya sa pamamagitan ng mga mga posters na ikinalat sa nasabing distrito ng lungsod.
Sa panayam kay Chua, sinabi nito na walang batayan ang akusasyon ng kanyang kalaban sa pulitika na kasama siya sa nagbenta sa ilang mga national government properties at binansagang “Buwaya ng Maynila”.
Kabilang sa mga sinasabing binenta ng grupo ni Chua ay ang Raha Soliman High School, Meisic Police Station, North Cemetery, Aranque Market at pangangamkam sa Blumentritt Market.
Ayon kay Chua, imposible ang paninira na nakasaad sa mga poster dahil hindi pa siya konsehal nang lumitaw ang isyu hinggil sa bentahan ng mga nasabing lugar na pag-aari ng national government.
Bagama’t may hinala na siya kung sino ang may kagagawan ng black propaganda, kailangan pa rin nila ang konkretong ebidensiya at ito ay kanilang sasampahan ng kasong libelo sa tamang panahon.