Makataong pagpapalayas sa illegal vendors isasagawa
MANILA, Philippines - Matapos pansamantalang ipasuspinde, balik na sa panghuhuli ng mga iligal na vendors ang Metropolitan Manila Development Authority dahil sa mga matitigas na ulo pa ring mga tindero ngunit gagawin na umano nila ngayong makatao.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na inatasan na ni Chairman Oscar Inocentes ang kanilang Sidewalk Clearing Operations Group na iwasan na ang pagwasak sa mga paninda at paggiba sa mga puwesto ng mga vendors upang hindi humantong sa anumang karahasan ang operasyon laban sa mga ito.
Nais iwasan ni Inocentes ang mga karahasan tulad ng riot at pamamaril ng mga vendors sa mga sidewalk clearing operations.
Patuloy namang ma ngungumpiska ng mga iligal na paninda ang MMDA kahit na hindi wawasakin ang mga ito kung saan ibibigay na donasyon ang mga mapapakinabangang pagkain sa mga bahay-ampunan at iba pang institusyon na kumakalinga sa mga matatanda, walang tirahan at mga may kapansanan.
Tiniyak naman ni Nacianceno na lahat ng mga makukumpiska nilang paninda ay reresibuhan upang matiyak na hindi mapupunta sa mga empleyado ng ahensiya na nagte-“takehome” ng mga nakumpiskang paninda.
- Latest
- Trending