MANILA, Philippines - Tulad ng kanyang banta na araw-araw na magsasagawa ng kilos protesta, matapos ilipat mula sa ospital patungong Quezon City jail ang anak na si Jason Ivler sinimulan na kahapon ni Marlene Aguilar ang pagmamartsa mula sa kanyang tahanan sa Blue Ridge Subdivision hanggang QC Hall of Justice upang hilingin ang agarang pagpapalabas sa kanyang anak mula sa nasabing piitan.
Pinangunahan ni Aguilar ang may 10 hanggang 15 kaanak at suporters ng kanyang pamilya sa pagsasagawa ng march rally kaakibat ang mga plakard na nagsasaad ng “DOJ respect Jason Ivler’s human rights” sa paligid ng QC RTC.
Subalit dahil kahapon ay holiday, wala si Judge Alexander Balut, ang RTC branch 76 na nagpalabas ng kautusan para sa paglilipat kay Ivler mula Quirino Memorial Medical Center patungong piitan.
Martes nang pormal na ilipat sa QC jail si Ivler matapos ang halos 3 buwan na pagpapagaling sa QMMC dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang katawan bunga ng pakikipag-ingkwentro sa mga umaarestong tropa ng National Bureau of Investigation (NBI).