MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ng kandidatong mayor ng Liberal Party sa Quezon City na si Herbert “Bistek” Bautista na isang desperadong gimik lang sa pulitika ang panibagong harassment complaint laban sa kanya na pakana ng kampo ng katunggali niyang si Mike Defensor.
“Mike, anuman ang desperadong hakbang na gagawin mo o ng iyong mga alipores, hindi mo na mababago ang katotohanan na tatalunin ka sa landslide ng LP at ang iba pang kandidato ng administrasyon sa Quezon City,” sabi ni Bautista bilang reaksyon sa reklamong isinampa sa Ombudsman ng isang Nicanor Salameda Jr.
Sinabi ni Bautista na ang taong nasa likod ng reklamong ito na kilala sa kahusayan sa panlilinlang ay dapat nang huminto sa paulit-ulit na luma, gasgas na at maruming taktika.
“Mas dapat ipaliwanag ni Mr. Defensor ang mga iskandalong kinasasangkutan ng pondo ng pamahalaan noong nasa Malacañang pa siya sa halip mangarap ng mga pamamaraan para mapansin. Nasisiyahan naman kami na dinala na ang isyung ito sa tamang lugar,” sabi pa ni Bautista.
Idiniin naman ni Bautista na hindi mahahadlangan ng reklamo ang pagpokus niya sa kampanya.
“Wala kaming itinatago kaya hayaan na lang ang mga yan. Hihintayin na lang namin ang desisyon. Ikinalulungkot lang namin na, habang nakasentro ang aming kampanya sa mga programa ng pag-unlad, sinusubuan naman ng aming mga kalaban ng basurang pulitika ang mamamayan ng Quezon City,” sabi pa ni Bautista.
Ganito rin anya ang nangyayari sa mga kandidato ng LP sa buong bansa at lalo na sa Quezon City. Nangunguna pa rin dito sina Bautista at ang kandidato niyang Vice mayor na si Joy Belmonte.
Sa huling survey ng Social Weather Station, nakakuha si Bautista ng 73%. Sumunod sina Defensor, 11%; Annie Rosa Susano, 6%; Ismael Mathay, 4%; Ariel Inton, 3%; at Samonte, 0%.