Waitress tinodas dahil sa 'text'

MANILA, Philippines - Isang Tsinoy ang pinagha­hanap ng mga awtoridad matapos inguso sa pagpatay sa kaniyang live-in partner na waitress sa isang KTV bar dahil sa umano’y selos sa na­kitang text message sa cell­phone ng biktima sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.

Wala nang buhay nang matagpuan ang biktimang si Edelia De Vera alyas “Christy”, 37, waitress ng Laluvs KTV at residente ng 2580 Juan Luna st., Gaga­langin St., Tondo.

May sugat sa batok si de Vera at may mga pasa ang katawan at mukha na hini­nalang tinakpan ng unan hang­gang malagutan ng hininga.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Ariel Ty, truck driver, tinatayang 45-47 anyos, ng Block 2 , Lot 42 Silver Homes, Justineville Subd., Bacoor Cavite.

Sa ulat ni Det. Jonathan Ruiz ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-5:00 at alas-7:00 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima.

Sinabi sa imbestigador ng isang May Ann Castro, 25, kapit-kwarto at kaibigan ng biktima, tinawagan siya ng suspek sa cellphone kung saan sinabing “May Ann, pakitingnan nga si Cristy (palayaw ng biktima) at nadis­grasya ko yata.”

Agad namang ipinaalam ni Castro sa mga kapitbahay at tinungo ang silid ng biktima subalit nakakandado ang pinto kaya inireport ito sa barangay officials ng lugar.

Nang pasukin ay nakita ang nakahigang bangkay ng biktima na may ilang oras na umanong walang buhay.

Naniniwala ang mga ka­pitbahay at kaibigan ng bik­tima na nagselos ang suspek kaya nauwi sa matinding away hanggang sa mapatay ang biktima.

Nabatid na kapwa may pamilya ang waitress na hiwalay umano sa mister at ang suspek naman ay may-asawa din na madalas ding umuwi sa biktima.

Isa umano sa pinagse­losan ng suspek ang nabasa nito sa cellphone ng biktima na may mensaheng ‘mahal’ mula sa isang tex sender. (Ludy Bermudo)

Show comments