^

Metro

Comelec control sa Makati muling iginiit

-

MANILA, Philippines - Muling iginiit ni Makati Vice Mayor at mayoral candidate Ernesto Mercado sa Commission on Elections na isailalim na sa kontrol nito ang lungsod at atasan ang Philippine National Police na bumuo ng isang task force na kikilos para matigil na ang patayan sa lungsod.

Ginawa ni Mercado ang panawagan makaraang isang Bernardo Olarte, ward leader ni Makati Mayor Jejomar Binay, ang pinatay mismo sa harap ng bahay nito sa Brgy. Guadalupe Viejo noong Miyerkules Santo.

Ayon kay Atty. Chito Salud, tagapagsalita ni Mercado, dapat magsalita ang pamilya ni Olarte sa mga imbestigador sa tunay na motibo ng pagpatay dito.

Idiniin ni Salud na wala silang planong makialam sa kaso subalit ito na ang ikalawang insident nang pagpatay sa loob lamang ng 10 araw.

Nauna rito, noong Marso 21 ay inambus ang negosyan­teng si Gerardo Limlingan na kilalang personal liaison officer ni Binay sa business community.

Ang pagpatay kay Limlingan ay tulad nang ginawa sa dating security chief ni Binay na si Pablo Glean na pinaslang naman sa isang gas station sa Taguig city noong Set­yembre, 2006.

Pero tumanggi si Binay na makipagtulungan nang pla­nuhin ng mga pulis na kalkalin ang anggulo tungkol sa negosyo bagkus ay sinabi nito na pakana ito ng adminis­trasyong Arroyo at siya ang nais patayin.

Pinakikilos na rin ng pamilya Binay ang Comelec upang isailalim na sa kontrol nito ang Makati City dahil sa naga­ganap na matinding karahasan sa lungsod na sinasadya umanong ipakalat ng ilang grupo ng mga kalabang pulitiko.

Sinuportahan ni Councilor Jejomar Erwin “Junjun” Binay, tumatakbong alkalde, ang panawagan ng kanyang amang si Mayor Binay na ipasailalim sa “Comelec control” ang lungsod makaraan ang pamamaslang kay Olarte.

Dagdag pa sa kaguluhan ang naganap na batuhan sa pagitan ng mga tagasuporta umano nina Mercado at Erwin Genuino sa Brgy. Guadalupe Nuevo.

Samantala, inamin ni Sr. Supt. Froilan Bonifacio, hepe ng Makati city police, na blangko pa rin sila sa pagkaka­kilanlan ng mga salarin na pumaslang kay Olarte. Bukod umano sa anggulo sa pulitika, posible ring may kinalaman ang pamamaslang sa “land dispute” at problema sa pera. (Danilo Garcia)

BERNARDO OLARTE

BINAY

BRGY

CHITO SALUD

COMELEC

COUNCILOR JEJOMAR ERWIN

DANILO GARCIA

ERNESTO MERCADO

MERCADO

OLARTE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with