Pulis-Maynila kinatay ng magpinsan
MANILA, Philippines - Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang pulis-Maynila ng magpinsang lalaki na sinita ng una noong Biyernes Santo ng gabi sa Binondo, Maynila.
Sampung saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni PO3 Felimon Olonan, 42, ng Manila Police District-Station 11.
Isa sa dalawang suspek na si Marvic Lalu, 27, pedicab driver, ng #325 Velasquez St., Tondo, Maynila ay napatay din sa follow-up operation ng pulisya habang ang pinsan nitong alyas Nelson na sinasabing kasama sa pagpatay sa pulis ay kasalukuyang tinutugis.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jay Santos, dakong alas-9:30 ng gabi nang sitahin ng biktima ang magpinsan sa panulukan ng Camba at M.D. Santos St. sa Binondo, Maynila.
Ayon kay Jocelyn Geroy, nakita niya ang biktimang lulan ng motorsiklo nang sitahin ang dalawang suspek kung saan nang lumapit ay kaagad na pinagtulungang undayan ng saksak ang pulis.
Nagawa pang makipag-agawan ng biktima sa hawak na patalim ng magpinsan kung kaya nasugatan si Lalu.
Nabatid na naghihingalo na si PO3 Olonan ay hinablot pa ni Lalu ang belt bag nito na nagla laman ng service firearm bago tumakas.
Natunton naman ng pulisya si Lalu na nagpapagamot sa Ospital ng Maynila habang si Nelson ay nagtago sa Pampanga.
Gayun pa man, nakumbinsi ng pulisya si Lalu na ituro ang pinagtaguan sa baril ni PO3 Olonan sa Area H, Parola Compound sa Tondo, Maynila.
Dito nakakuha nang tiyempo si Lalu na makuha ang baril at tangkang iputok sa mga pulis subalit naunahan siya ng isa sa mga eskort na si PO3 Alexis Cardinez.
Nabatid na ang mga suspek ay may matagal nang galit sa biktima.
- Latest
- Trending


















