Kampanya sa 'no plate no travel' pinaigting
MANILA, Philippines - Ipinag-utos ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa lahat ng limang police districts na paigtingin ang kampanya sa “no plate no travel policy” ng pulisya upang higit na malabanan ang patuloy na nagaganap na carnapping sa Metro Manila.
Ito’y sa kabila na bumaba na umano ang tinatangay na sasakyan sa 1 hanggang 2 behikulo kada araw buhat sa dating 4 hanggang 6 na kotse o motorsiklo kada araw noong nakaraang taon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, patuloy pa ring nagaganap ang carnapping dahil sa ginagamit ito ng mga sindikato hindi na para ibenta ngunit upang gamiting “get-away vehicle” sa operasyon nila sa “hijacking, kidnapping, at robbery. Sinabi ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales, sa tuwing tumataas ang bilang ng carnapping, naghahanda na umano sila sa posibleng pagsalakay ng mga sindikato ng robbery o kidnapping.
Nararapat umano na masuportahan ang “no plate no travel policy” at ang “total gun ban” na kanilang ipinatutupad upang malimita ang galaw ng mga kriminal.
Ipinag-utos din ni Rosales na kumpiskahin ang mga hindi awtorisadong plaka tulad ng mga “expired commemorative plates”, mga commemorative plates na nakapatong sa orihinal na plaka buhat sa Land Transportation Office, at mga gawa-gawang plaka na karaniwang ikinakabit sa mga motorsiklo.
Samantala, tiniyak naman ni Rosales ang maigting na pagpapatupad ng seguridad ngayong Semana Santa kung saan posibleng sumalakay ang mga “Akyat-Bahay at Dugo-Dugo Gang”. Itinaas sa “heightened alert” ang buong NCRPO. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending