Karambola ng 3 sasakyan: 2 patay
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi, habang tatlo pa ang malubhang nasugatan nang salpukin ng isang pampasaherong jeepney ang isang taxi at isang tricycle matapos na mawalan ito ng preno habang binabagtas ang kahabaan ng San Mateo Road, sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang isa sa mga nasawi na si Arnel Odita, ng Brgy. Lawis, Sto. Isabel, Leyte; habang patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng isa pang nasawing biktima.
Ang dalawa ay kapwa pasahero ng Kawasaki tricycle (TW-4154) na minamaneho ng isang Nicasio Canido, 42, ng Talanay, Batasan Hills.
Habang ang tatlong sugatan na ngayon ay naka-confined sa ospital ay kinilalang sina Melanie Balderama, 46; Catalina Judie Tabile, 20; at Hayden Tabilig, 20; na pawang pasahero naman ng MGE taxi (TXG-842) na minamaneho naman ni Arnulfo Habulan, 35.
Ayon sa ulat naganap ang insidente, habang magkakasabay na tinatahak ng tatlong sasakyan ang kahabaan ng San Mateo Road, malapit sa North View I, sa lungsod ganap na alas -9 ng gabi.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nag-ugat ang banggaan habang binabagtas ng isang pampasaherong jeepney (TYA-803) na minamaneho ni Roberto Vergara, 59, may-asawa ng Marikina City ang kahabaan ng San Mateo Road.
Pagsapit ng sasakyan ni Vergara sa North View I, Subdivision ay biglang nawalan ito ng preno at sinalpok ang tricycle ni Canido na sakay ang dalawang biktima.
Sa lakas ng impact, dire-diretsong sumalpok ang tricycle sa bangketa sanhi upang tumilapon ang mga pasahero nito palabas ng kalsada na agad na ikinasawi ng mga ito.
Ang nasabing jeepney, sa kabila ng pagkakabangga sa tricycle ay tuluy-tuloy pa rin sa pagtakbo hanggang sa muling salpukin nito ang taxi ni Habulan kung saan dito ito napahinto.
- Latest
- Trending