Serbisyong bayan mananatili kina Bistek at Joy B
MANILA, Philippines - Tiyak na mananatili ang serbiyong bayan at dangal ng Lungsod Quezon sa katauhan nina Liberal Party mayoralty bet Herbert ‘Bistek’ Bautista at vice mayoralty bet Joy Belmonte.
Ito ang kabuuang punto ng SB Team sa naganap na proclamation rally kung saan pambato ng grupo sina Bistek at Joy B. sa ilalim ng Liberal Party noong Biyernes.
Magugunitang nabuo ang SB Team sa ilalim ng liderato ni QC Mayor Sonny Belmonte na magtatapos ang termino ngayong Hunyo 2010 ay kandidato sa congressional race sa QC 4th district.
Ani Bautista, nang pamunuan ni Belmonte ang lungsod noong 2001 ay nasa kumunoy ng utang ang Quezon City kung saan umabot sa mahigit P2 bilyon habang negatibo pa ng P10.35 milyon sa tinatawag na cash balance.
Subalit makalipas lamang ng isang taon ay nagawa ni Belmonte na pasiglahin ang kaban ng bayan sa ilalim ng prinsipyong “Earn More, Spend Less.”
“Ipinakita na ni Mayor (Sonny Belmonte) ang riles tungo sa kaunlaran. Kailangan na lamang panatilihin ang nasimulan na ito upang magpatuloy ang Serbisyong Bayan. Hindi na natin kailangan pang sumubok ng iba dahil subok na ang SB Team,” paliwanag ni Bautista.
Ipinunto pa ng Bistek-Joy B. Tandem na sisiguruhin nilang mananatili ang dangal na ito na inihabilin sa kanila ni Mayor Belmonte.
Katunayan, batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), ang lungsod ang pinakamayamang lokal na pamahalaan sa buong bansa mula 2002 hanggang 2009. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending