Binatilyo tinadtad ng saksak

MANILA, Philippines - Patay ang isang 15-anyos na binatilyo nang kabayu­hin at tadtarin ng limang saksak sa likod ng kanyang nakaaway sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Patay na nang idating sa Gat. Andres Bonifacio Hospital ang biktimang kinilalang si Mark Paul Rom, ng Unit 410 Bldg., Katuparan Vitas, Tondo dahil sa mga tina­mong saksak sa katawan. Tinutugis pa ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Ricky”, 30, kulot ang buhok, maitim, at nakatira lamang   sa roof top ng Katuparan Building Vitas, Tondo.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi sa ground floor ng Vitas Katuparan Bldg., Tondo. Sa hindi pa batid na dahilan, sumugod ang suspek na armado ng patalim at nang makita ng biktima ay nagta­takbo ang huli gayunman nakorner pa rin ito ng suspect na kinabayo at inundayan ng mga saksak sa likod. Patuloy pa ang imbestigasyon at paghahanap sa suspek. (Ludy Bermudo)

Show comments