MANILA, Philippines - Isang 59-anyos na lola ang dinakip ng pulisya sa isang entrapment operation matapos itong ireklamo ng apat na tsuper dahil sa kasong robbery extortion sa isang illegal terminal sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Nakakulong sa detention cell ng Makati City Police ang suspek na si Milagros Peñalosa-Tuazon, ng Honradez St., Brgy. Olympia ng nabanggit na lungsod.
Ang nagharap ng reklamo ay sina Wilfredo Trinidad, 39; Denasto Sayno, 57; Dandy del Pilar, 29; at Robella Patanao.
Nabatid na laging hinihingian ng suspect at ng mister nito na nakilalang si Redentor Tuazon, 60, isang ret. police ang mga complainant ng halagang tig-P100. Kapag hindi sila nag-abot sa mag-asawang suspect ay hindi pinapipila ang kanilang sasakyan sa nabanggit na illegal terminal.
Matapos magharap ng reklamo ang mga driver ay isinagawa ang entrapment operation sa nabanggit na suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa naturang lola. (Lordeth Bonilla)