Estudyante tumalon sa footbridge
MANILA, Philippines - Sa takot na mapagalitan ng kanyang mga magulang matapos na mabiktima ng grupong Budol-budol, isang 18-anyos na estudyante ang nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa footbridge sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Sa kabila ng halos ilang talampakang taas ng tinalon, masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan at nagtamo lamang ng sugat at bali sa kanang kamay si Benjamin Cueta Jr., binata ng Block 22, Lot 22, Hauskol Homes, Tanza Cavite.
Ayon sa ulat ng Police Station 9 ng Quezon City Police, nangyari ang pagtalon ng biktima sa may fedestrian footbridge sa Commonwealth Avenue, Philcoa, North bound Diliman sa lungsod ganap na alas-6 ng gabi.
Bago nito, nagpunta muna umano ang biktima sa computer shop malapit sa may Philcoa para mag-type ng kanyang gawain sa klase.
Habang nasa loob ng computer shop, nilapitan ang biktima ng apat na kalalakihan at sa pamamagitan ng magandang pananalita ay nakumbinsi itong ibigay ang kanyang laptop, MP4 cellphone at wallet na naglalaman ng hindi mabatid na halaga.
Nang makuha ang pakay ay iniwan na lang ang biktima ng mga suspect.
Samantala, nang mala man umano ng biktima na nabiktima siya ng Budol-Budol gang ay nawala na ito sa sarili. At sa takot na pagalitan ng kanyang mga magulang matapos mawala ang mga gamit, sa kanyang kalituhan ay tumalon ang una sa nasabing tulay.
Sa pagbagsak ng biktima ay agad na nawalan ito ng malay dahilan upang magdulot naman ng matinding trapik sa nasabing lugar. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending