Lola todas sa dos-por-dos
MANILA, Philippines - Hindi na nakapamalengke ang isang 60-anyos na lola nang mabagsakan ng mahabang dos-por-dos, habang naglalakad sa tapat ng itinatayong gusali sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nabatid na nagtagal pa ng anim na oras bago tuluyang binawian ng buhay ang biktimang si Liwayway Wyco, ng 1741 Antonio Rivera St., Tondo, Maynila bunsod ng pinsalang tinamo sa ulo at katawan ng dos-por-dos na may habang walong piye (8 feet).
Ayon sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa A. Rivera St., sa Tondo.
Patungong palengke ang lola nang dumaan sa itinatayong 4 na palapag ng gusali nang mabagsakan ng kahoy.
Mabilis namang isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima, ngunit dakong alas- 2:30 ng hapon nang malagutan ito ng hininga sa Tondo General Hospital.
Isasailalim naman sa ma susing interogasyon ang mga obrero ng Asia Instructural Developer Corporation para matukoy kung sino ang dapat na managot sa krimen. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending