Metro Manila niyanig ng lindol
MANILA, Philippines - Nilindol na may lakas na magnitude 6.0 ang mga lugar sa Metro Manila at mga karatig lala wigan kahapon ng ala-1:29 ng tanghali.
Sa tala ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang lokasyon ng lindol ay naitala sa may 73 kilometro ng kanluran ng Lubang Island at ang lalim nito ay shallow at ang origin ay tectonic.
Bunsod nito, naramdaman ang lakas ng lindol sa intensity 5 sa Looc Lubang Island Occidental Mindoro at Manila City, intensity 4 naman sa Quezon City, Mandaluyong City, Makati City, Pasay City, Taguig City at Pasig City at sa Talisay, Batangas.
Intensity 3 naman sa Bagac Bataan, Canlubang, Laguna, Clark Pampanga, Rosario, Trece Martires Cavite, Marikina City at Tagaytay City at intensity 2 naman sa Calamba, Laguna, Puerto Galera at Oriental Mindoro.
Ayon sa Phivolcs, inaasahan na nila ang aftershocks makaraan ang pagyanig na ito pero wala namang naitalang pinsala ang lindol sa mga ari- arian at tao.
Matapos ang lindol, sabay-sabay naman na pinainspeksiyon ni Manila City Building chief Engr. Melvin Balagot, ang mga lugar sa Maynila na may maraming mga gusali.
Ayon kay Balagot, kabilang sa mga siniyasat ay ang lugar ng Binondo, San Nicolas, Quiapo, Ermita at University Belt.
Sinabi ni Balagot na kailangang masiyasat ang mga gusali kabilang na ang mga condemn building upang matiyak na ligtas pa rin ang mga ito. (Dagdag report ni Doris Franche)
- Latest
- Trending