MANILA, Philippines - Umaabot sa P2 milyong halaga ng produkto ng de-latang corned beef ang natangay ng pitong armadong kalalakihan makaraang haydyakin ang isang 10-wheeler truck na may dala dito sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon sa ulat, nabatid ang pangha-haydyak makaraang personal na dumulog sa kanilang tanggapan kahapon ang mga biktimang sina Andito Guamos, 45, driver; at Nazario Garde Jr., helper; kapwa empleyado ng Geminiou Trucking Incorporation na matatagpuan sa Martina Road, San Roque, Marikina.
Sa pagsisiyasat, lumilitaw na nangyari ang insidente sa may C.P Garcia St., UP Diliman sa lungsod ganap na alas-3 kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Guamos, bago nito, galing umano sila sa Navotas sakay ng 10 wheeler Isuzu wing (YBR-652) at idedeliber ang may 1,360 kahon ng de latang corned beef sa Pasig nang harangin sila ng dalawang motorsiklo.
Agad na bumaba ang dalawa sa mga suspect na armado ng baril na itinutok kay Guamos.
Kasunod nito, dumating ang isa pang Besta van na hindi naplakahan sakay ang lima pang suspect saka pinababa ang dalawang biktima at inilipat sa van, sabay gapos at piniringan ang kanilang mga mata.
Dagdag ni Guamos, naramdaman na lang niyang bumibiyahe sila at makalipas ang ilang oras ay ibinaba sila sa may lugar ng Brgy. San Roque Mexico Pampanga pero tangay ng mga suspect ang kanilang kargamento.
Dahil dito, agad na tinawagan ni Guamos ang kanilang amo, upang ipabatid ang nasabing pangyayari kung saan sila sinundo at dinala sa nasabing himpilan para magreklamo. Iniimbestigahan na ng CIDU ang nasabing insidente. (Ricky Tulipat)