MANILA, Philippines - Inaresto ng pulisya ang isang mag-asawa matapos na lokohin umano ng mga ito ang kanilang amo sa pamamagitan ng pagwi-withdraw sa bangko ng pera ng kompanya ng may kabuuang halagang P2, 253, 393 sa lungsod Quezon.
Kinilala ang mga nadakip na suspect na sina Edgardo Ricamara, 37, production delivery; at asawang si Jane, 35, accounting clerk; kapwa residente sa Yakal St., Project 3 sa lungsod. Ang mag-asawa ay inaresto base sa reklamo ng isang Arlene Chua, may-ari ng BR Chua Enterprises Inc. na matatagpuan sa M. dela Fuente St.,Sampaloc Manila.
Sa imbestigasyon ni PO2 Loreto Tigno, may-hawak ng kaso, ang mga suspect ay regular employee ng nasabing kumpanya simula 1994 hanggang sa kasalukuyan.
Lumilitaw nag-ugat ang insidente nang utusan ni Chua si Jane na kunin ang bank booklet at iba pang dokumento sa kanilang tahanan sa Samar St., Brgy. West Triangle sa lungsod noong Hulyo 30, 2009 at dalhin ito sa kanilang tanggapan. Dahil dito, nakakuha ng pagkakataon ang mag-asawa na kunin ang blankong tseke na may pirma sa pangalan ni Mr. Chua.
Marso 10 ng taong kasalukuyan ay nadiskubre ng biktima na may nag-withdraw na halagang P183,000 sa account ng kanyang kompanya nang magsagawa ito ng beripikasyon sa banko.
Dala ng kaduda-dudang pahayag ni Jane, agad na tsinek ni Chua ang bangko kung saan nalaman nito na August 26, 2009 ay nakapag-withdraw ang una ng nasabing salapi gamit ang ninakaw na bank check ng kompanya. (Ricky Tulipat)