MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang kilabot na riding-in-tandem gang sa Quezon City matapos na isang opisyal ng barangay naman ang pinagbabaril ng mga ito sa harap ng barangay hall kamakalawa.
Si Edgardo Garcia, 62, may-asawa ng no. 7 AIB St., Brgy. Sto Domingo ang latest sa naging target ng nasabing grupo sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente habang nililinis ng biktima ang kanyang sasakyan sa may harap ng brgy. hall ng Brgy. Sto Domingo pasado alas-5 ng hapon.
Ayon sa isang testigo, naglalakad siya sa may Don Manuel St., di kalayuan sa lugar nang makarinig siya ng dalawang malalakas na putok ng baril.
Agad niyang pinuntahan ang pinanggalingan ng putok hanggang sa makita niya ang isang lalake na may bitbit na baril papalayo sa nasabing lugar at sunduin ng isa pang lalakeng may dalang kulay pulang motorsiklo saka nagsipagtakas.
Matapos nito, nakita na lamang niya ang biktima na duguang nakahandusay sa semento at wala nang buhay.
Narekober sa lugar ang dalawang basyo ng kalibre .45 baril at isang deformed slugs nito. Lumilitaw din na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo ang biktima at sa kanang panga na siyang agad na ikinamatay nito.
Sabado ng umaga, isang mister din ang itinumba ng riding-in-tandem malapit sa sementeryo dahil lamang sa simpleng away trapiko.
Matagal nang namamayagpag ang riding in tandem sa lungsod ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nalalansag ng otoridad ang kilabot na mga grupo.