Obrero hulog sa ginagawang tower, lasog
MANILA, Philippines - Patay ang isang obrero makaraang mahulog umano mula sa construction site ng isang tower na kanyang pinagtatrabahuhan ilang minuto matapos ang pakikipag-inuman sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Castor Corpin Jr., 37, scaffolding installer at residente sa Panayon, Meycuayan Bulacan.
Siya ay natagpuan na lamang ng kanyang mga kasamahang nakabulagta sa basement ng Portorita Tower sa P. Tuazon Blvd., corner 14th Avenue, Cubao, ilang minuto makaraang umalis mula sa kanilang inuman.
Ayon kay PO1 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, hindi naman nila matukoy kung saang palapag nahulog ang biktima dahil walang nakasaksi sa nasabing pangyayari.
Gayunman, tinitignan nila ang anggulong suicide dahil base sa pahayag ng kanyang mga kasamahan, bago nangyari ang insidente ay nagtapat umano ng kanyang problema ang biktima tungkol sa kanyang pamilya.
Ipinahayag pa ng nasawi sa kanyang mga kasamahan ang problema at nagbigkas pa ito ng katagang “Malay n’yo, bukas hindi na tayo magkita.”
Hindi naman pinansin ng mga kasamahan ang sinabi ng biktima, at makalipas ng ilang minuto matapos magpaalam ng huli ay narinig na lamang ang malakas na kalabog mula sa basement nito.
Nang tingnan nila ay saka natuklasan ang biktima na nakahandusay dito at wala nang buhay.
Sinasabing ang biktima ay may walong anak na tinataguyod sanhi marahil ng kanyang problema, ayon pa sa pulisya. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending