2 patay sa pamamaril ng rider
MANILA, Philippines - Dalawa katao kabilang ang isang dalagita, ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan, makaraang ratratin ng isang rider ang sinasakyan nilang tricycle sa isang kalsada sa Brgy. Central sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang mga biktimang sina Mary Ann del Rosario,16, house helper, at Joel Acaya, 36, dahil sa tinamong mga tama ng bala sa kani-kanilang mga katawan.
Ginagamot naman sa nasabi ring ospital ang sugatang biktima na si Manolito Morillo, 35, driver ng tricycle; habang sa Quezon City General Hospital naman si Johnell Cueto, 35, bystander na tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang paa.
Samantala, agad namang tumakas ang suspect na lulan ng motorsiklong Honda XRM (IT-1797) na siyang target ngayon ng operasyon ng pulisya.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa harap ng Farmacia East Drug store na matatagpuan sa may kanto ng Malakas St. at Matapang St., Brgy. Central ganap na alas 9:30 ng gabi. Bago nito, binabagtas ng tricycle na minamaneho ni Morillo habang backrider naman si Acaya, at pasahero naman ang dalagita ang nasabing lugar para ihatid nila ang huli sa botika para bumili ng gamot.
Ayon kay PO3 Joselito Gagaza, may-hawak ng kaso, pagsapit sa nasabing kalye, bigla na lamang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang suspect at pinaputukan ang mga biktima, partikular ang driver at backrider nito.
Sinasabing, bago nito, matagal nang naghihintay sa lugar ang suspect at nang makita ang target na tricycle ay saka sinundan at pinagbabaril.
Sa puntong ito, agad na isinugod ng ilang nagmamalasakit na residente sa naturang ospital ang mga biktima, kung saan idineklarang patay sina Acaya at del Rosario.
Ayon pa sa ulat, tanging ang puntirya ng suspect ay ang backrider na si Acaya at posibleng nadamay lamang ang ilan sa mga biktima.(Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending