MANILA, Philippines - Pinatay sa saksak ang isang 52-anyos na mister ng lalaking kanyang sinita dahil sa pambabastos sa mga utol ng una, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Nakilala ang nasawi na si Generoso Motos-Ibarbia Jr., ng Phase 4, Block 5, Lot 2, Southville 3, NHA Project, Brgy. Poblacion ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, hinahanting naman ng pulisya ang suspek na si Ronaldo Cabriles, alyas “Enad”, nakatira sa Purok 2, PNR Site, Brgy. Cupang ng nabanggit pa ring siyudad.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi, malapit sa bahay ng suspek sa nabanggit na lugar.
Bago maganap ang insidente, nabatid na nagsumbong ang dalawang kapatid na dalaga ng biktima dahil lagi umanong binabastos ng suspek.
Dahil dito, kinompronta ng biktima ang suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa kinuha ng suspek ang nakatago nitong kutsilyo at pinagsasaksak ang biktima saka mabilis na tumakas. (Lordeth Bonilla)