Graduating pupil todas sa gang war

MANILA, Philippines - Hindi na mararanasang umakyat sa entablado ng isang 12-anyos na graduating elementary pupil ma­karaang masawi   nang ma­damay at mabaril sa na­ganap na “gang war” ka­ma­kalawa ng hapon sa Pa­rañaque City.

Nakilala ang nasawi na si Eugenio Balbuena Jr., ng   Bagong Sikat, Baclaran, ng naturang lungsod. Naka­takda na sana itong mag­tapos ngayong linggo sa pinapasukang Parañaque Elementary School.

Pinaghahanap naman ngayon ang suspek na na­kilala sa alyas na Rabang, miyembro ng True Brown Style na matagal nang nag­hahasik ng kaguluhan sa iba’t ibang panig ng Metro Manila ngunit hindi ma­sugpo ng pulisya.

Sa ulat ng pulisya, na­batid na dakong alas-3:20 ng hapon nang maganap ang gang war sa pagitan ng mga grupong True Brown Style at Pinoy Ruthless Mobsta sa naturang lugar.

Isa si Balbuena, ka­sama ang kaibigan na nag-usyuso sa naga­ganap na kaguluhan.

Na­batid na pa­pauwi na sana ang da­lawa nang dumating ang sus­pek sakay ng pedi­cab at apat na beses na pinaputukan ng kalibre .22 baril ang biktima sa pag-aakalang miyembro ito ng kalabang gang.

Agad na isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang biktima ngunit hindi na rin naisalba ang buhay nito ha­bang nagawa namang maka­takas ng salarin.

Show comments