Task Force Special NAM binuo
MANILA, Philippines - Minobilisa na kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang Task Force Special NAM kaugnay ng ipatutupad na mahigpit na seguridad sa gaganaping Special Non-Aligned Movement Ministerial Meeting (SNAMMM) o ang Interfaith Dialogue and Cooperation for Peace and Development na isasagawa sa Maynila ngayong Marso 16-18.
Bukod dito, ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina, ay ipinag-utos na rin ni Verzosa ang pagde-deploy ng tinatayang may 5,000 police personnel para magbigay seguridad sa mga delegado mula sa 105 bansang dadalo sa pagtitipon.
Ang Task Force Special NAM ay pamumunuan ni Deputy Director General Jefferson Soriano, PNP Deputy Chief for Administration.
Ang naturang international conference ay gaganapin sa Philippine International Convention Center sa Pasay City na dadaluhan ng mga foreign delegates mula sa 105 bansa kabilang ang 24 dayuhang Ministers at 19 Deputy Ministers mula sa NAM member at observer countries gayundin ang iba pang mga organisasyon. Si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay magsisilbing keynote speaker sa Marso 17, isang araw matapos ang pagbubukas ng NAM Assembly.
Samantalang si Dr. Ali Abdussalam Treki, President ng 64th Session ng United Nations General Assembly naman ang pormal na magbubukas sa SNAMMM Conference sa Martes kung saan kabilang sa mga speakers sina Dr. William Vendly, Secretary General ng World Conference of Religious for Peace. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending