'Nanunog' kinatay ng mga nasunugan
MANILA, Philippines - Burdado ng tatlumpung saksak ang bangkay ng isang lalaki na pinaniniwalaang kinuyog ng mga residenteng nawalan ng bahay, ilang oras matapos umamin na siya ang dahilan ng sunog na naganap noong Martes sa Sampaloc, Maynila.
Kahapon ng madaling-araw nadiskubre ang nakabulagtang bangkay ng biktimang kinilalang si Benjamin Flores, 42, ng Norma St., Sampaloc, at miyembro umano ng Bahala na Gang.
Ayon kay C/Insp. Erwin Margarejo, hepe ng MPD-Homicide Section, “ Hindi pa humuhupa ang sobrang galit ng mga nasunugan kasi sa itsura ng bangkay, may intensiyon na patayin siya.”
Aniya, mistulang nagtatakipan ang mga residente dahil walang makapagsabi kung sinu-sino ang kumatay sa biktima.
Sa imbestigasyon, nakita na lamang ang bangkay ng biktima sa tapat ng bahay sa panulukan ng Norma at Luzon Sts., ng mga tambay dakong alas-4:30 ng madaling-araw.
Una umanong inakala ng mga tambay na lasing na naman ang biktima at nakatulog lamang sa kalye subalit nakita umano ang mga dugo na umaagos sa katawan nito. Tatlumpung saksak sa katawan ang tinamo nito.
Sa panig naman ng MPD-Station 4 chief, Supt. Ramon Pranada, nakuha nila ang impormasyon na inabangan umano ang biktima ng ilang residente nang magtungo ito sa tanggapan ng Barangay 564 Zone 55, District 4 dahil nalaman ng mga ito na kakausapin siya ni Chairman Alex Fontaina hinggil sa insidente ng sunog na nagmula sa kaniyang bahay.
Pag-alis umano sa barangay hall ng biktima ay binuntutan na ito ng mga galit na nasunugan at pinaghalinhinang saksakin.
Matatandaang nasa 20 kabahayan ang nasunog sa nasabing lugar dakong alas-2:10 ng hapon noong Martes at itinuturong pinagsimulan ng apoy ang bahay ni Flores. Isang Junior Mayo, 44, ang nasugatan sa insidente.
Naiulat rin ng Manila Fire Bureau na ang dahilan ng sunog ay ang naiwanang niluluto ni Flores matapos makatulog dahil umano sa sobrang kalasingan.
- Latest
- Trending