MANILA, Philippines - Dahil sa 100 piso, isang driver ang pinagsasaksak at napatay ng isang obrero sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw. Labing-apat na saksak ang dahilan ng kamatayan ng biktimang si Catalino Tipon-Tipon, 34, ng West Riverside St., Brgy. San Antonio sa lungsod.
Pinaghahanap naman ang suspect na si Leo Nidoy, 34, na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Nangyari ang insidente sa may West Riverside St., ng nasabing barangay ganap na alas-3 ng madaling-araw nang pilit na binabawi ng biktima ang kanyang perang P100 na kinuha ng suspect habang siya ay nagsusugal ng larong “Pusoy 2”.
Tumanggi namang ibalik ng suspect ang pera hanggang sa habulin ito ng biktima at dito na nagbunot ng patalim ang salarin at inundayan ng saksak si Tipon-Tipon. (Ricky Tulipat)