MANILA, Philippines - Pinabubuwag ng Manila Regional Trial Court ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) dahil umano’y pagiging iligal at labag nito sa Konstitusyon.
Batay sa siyam na pahinang desisyon, idineklara ni Judge Silvino Pam pilo Jr. ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 26 ang Executive Order (EO) No. 624 na siyang lumikha sa PASG na “invalid” at “unconstitutional.”
Ayon sa desisyon, ang pagkakatatag sa PASG na pinamumunuan ni Undersecretary Antonio Villar Jr. ay labag sa doktrina ng separation of powers, salungat sa mga probisyon ng Tariff and Customs Code, at dinuduplika lamang nito ang kapangyarihan at tungkulin ng Bureau of Customs (BOC), partikular ang paglaban sa lumalalang smuggling sa bansa.
Nakasaad din sa desisyon na nakagawa ng pagkakamali ang Malacañang nang itatag nito ang PASG dahil ito ay trabaho ng Kongresso at hindi ng ehekutibo.
Nag-ugat ang kautusang ito ni Pampilo sa isinampang Petition for Declaratory Relief with Application for Preliminary Injunction and Temporary Restraining Order (TRO) ni Sui Ting Alpha Kwok, isang Chinese-born British national na isinasangkot sa pagpuslit ng P500 milyong halaga ng mga diyamante.
Hiniling ni Kwok sa hukuman na buwagin ang PASG kasunod ng iligal umano nitong pagsalakay sa kanyang condominium noong Agosto 18, 2009.
Nakapuntos dito ang petitioner na si Sui Ting Alpha Kwok, ang binansagang “Diamond Queen” laban sa PASG matapos iutos ng korte ang pagbuwag sa nasabing ahensya.