MANILA, Philippines - Dalawang malalaking proyektong may kabuuang P10 milyon ang agarang ipinapatapos ni Cainta Mayor Mon Ilagan sa kanyang bayan upang makabawi sa mga pagsalanta ng bagyong Ondoy. Ayon kay Ilagan, kabilang sa mga proyekto ang drainage construction at road asphalting project sa Barangay San Isidro, Cainta at ang riprapping, desilting and desilting ng Mapandan Creek sa Brooksidehills, Cainta.
Mahigit na sa kalahati ang nagagawa sa unang pro yekto samantalang ang ikalawa nama’y matatapos na.
Pangunahing makikinabang sa drainage construction and road asphalting project ang mga residente ng Bautista /Roosevelt Compound. Ang proyekto ay umabot na sa 55% completion.
Ang accomplishment naman ng dredging at desilting sa Mapandan Creek ay umaabot na sa 95% habang ang riprapping works nasa 65% completion. Ayon kay Cainta MPDC Engr. Edmon Pascual, “kailangan na lamang naming bilisan ang pagputol ng mga puno sa paligid ng creek upang lalo pang mapabilis ang pagtatapos ng proyekto.
Bagamat ipinagmamalaki ng administrasyong Ilagan ang mabilis na progreso at pagtakbo ng mga proyekto, aminado rin ang alkalde na naging kapalit nito ang pagtatapos ng ilan sanang mahahalaga ring programa para sa bayan ng Cainta.