MANILA, Philippines - Dahil umano sa hindi pagsunod sa utos na bumili ng droga, isang helper ang pinagtataga at napatay ng isang mag-ama sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Si Marvin delos Santos, 35, ng San Gabriel st., Villa España II, Brgy. Tatalon ay agad na binawian ng buhay habang isinusugod sa Delos Santos hospital bunga ng tinamong mga taga sa buong katawan, leeg at ulo.
Pinaghahanap naman ang mag-amang suspect na sina Heman Austerio, alyas Kalbo, at anak na si Mark Austerio, kapwa residente sa Meralco Line sa nasabing barangay.
Ayon sa pahayag ng biyenang babae ng biktima na nakilalang si Josephine dela Cruz, 55, ang pagtanggi umano ng biktima sa utos ng mag-ama na bumili ng droga ang ugat upang ito ay paslangin.
Nangyari ang insidente sa nasabing lugar pasado alas-6 ng gabi.
Ayon kay Aling Josephine, nakatayo siya sa harap ng kanyang bahay nang matanaw niya mula dito ang mag-ama na hinahabol ang biktima at armado ng jungle bolo. Nang abutan ng mag-ama ang biktima ay saka walang habas na pinagtataga ito hanggang sa sumirit ang dugo sa katawan nito.
Agad na tumakas ang mag-ama matapos ang pananaga habang ang biktima ay isinugod naman ng asawang si Sherly sa nasabing ospital ngunit hindi na umabot pang buhay.
Patuloy ang isinasagawang follow up operation ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)