MANILA, Philippines - Iimbitahan rin ng Task Force Mayor ang kontrobersyal na si Sandra Cam upang kunan ng pahayag ukol sa pagpaslang kay jueteng whistleblower Wilfredo “Boy” Mayor na inaasahang makakatulong sa imbestigasyon ng kaso.
Sinabi ni TF Mayor at Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta na nais nilang mapagtugma ang mga nakalap na impormasyon ng kanilang mga tauhan na nagtungo sa Daraga, Albay sa mga nauna ng pahayag ni Cam kaugnay sa nakatakda umanong pagbubunyag ni Mayor sa mga nangyaring anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bicol Region.
Nakausap na ng mga imbestigador ni Petrasanta ang maybahay ni Mayor na si Cherry, 56, na konsehal ng munisipalidad ng St. Donna Monica sa Daraga, Albay subalit wala umanong binabanggit ang ginang kaugnay sa mga proyektong pinasok ng napaslang.
Sa kasalukuyan, pinagtutuunan pa rin ng imbestigasyon ng pulisya ang natuklasang pagkakautang ni Mayor sa ilang mga casino financier, kabilang na ang isang Erlinda Yao na kilala sa alyas na “Flower” na huling nakaugnayan umano ni Mayor bago siya umalis sa City State Hotel and Casino sa Malate, Manila noong Pebrero 28 ng madaling-araw bago siya napaslang sa MIA Road, Pasay City.
Nabatid rin na may mga utang rin umano si Mayor sa mga financier sa sabong matapos na mahumaling rin ang biktima sa malakihang derby. (Danilo Garcia)