5-anyos sugatan sa ligaw na bala
MANILA, Philippines - Isang 5-anyos na batang babae ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong tamaan ng ligaw na bala makaraang barilin ng isang lalaki ang binatilyo na umano’y nagnakaw ng baterya ng isang motorsiklo kamakalawa sa Malabon City.
Inoobserbahan sa Pagamutan Lungsod ng Malabon sanhi ng tama ng bala sa tumbong si Crissel Cervantes, ng Hasa-Hasa St., Brgy. Longos ng lungsod na ito.
Ginagamot naman sa Tondo Medical Center sanhi ng dalawang tama ng bala sa kaliwang binti si Nomer Atanoso, 16, ng Area 4, ng nabanggit na barangay.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang namaril na si Rommel Fuggan, 32 ng Area 4, ng nabanggit pa ring lugar. Sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas -5:00 ng hapon sa kahabaan ng Hasa-Hasa St., Barangay Longos ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na nakita ng suspek sa nabanggit na lugar si Atanoso na pinaghihinalaang nagnakaw ng baterya ng motorsiklo ng bayaw ni Fuggan.
Agad na pinagbabaril ni Fuggan si Atanoso na tinamaan sa binti subalit nahagip ng ligaw na bala si Cervantes na naglalaro malapit sa lugar ng insidente.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang dinala naman sa mga nasabing ospital sina Cervantes at Atanoso. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending