Pamilya nalason sa salay-salay, 1 patay
MANILA, Philippines - Nakatakdang ipasuri ng Pasay City police ang sampol ng pinangat na isdang salay-salay sa Bureau of Food and Drugs upang mabatid kung ito ang sanhi ng pagkalason ng anim na miyembro ng isang pamilya kung saan nasawi ang isang 74-anyos na lolo, kamakalawa ng hapon.
Tumanggi naman ang mga kapamilya na ipa-otopsiya ang bangkay ni Lolo Guillermo Hernandez, ng No.163 St. Claire Street, Brgy. Maricaban, Pasay City. Nananatili namang inoobserbahan sa Pasay City General Hospital sina Marian Boque, 30; mga anak nitong sina Mikaela, 7; Catherine, 8; bayaw na si Virgilio Hernandez, 14; at pamangkin na si Alfea Torres, 3-anyos.
Sa ulat ni PO3 Simon Respicio, ng Pasay Station Investigation and Detective Management Section, tanging pinangat na salay-salay ang kinain ng pamilya sa kanilang hapunan na binili ni Marian noong Miyerkules ng hapon sa isang talipapa. Pinanindigan ni Marian na hindi bilasa ang nabili niyang isda dahil sa wala itong amoy.
Kamakalawa ng umaga, pawang nagreklamo ng pananakit ng tiyan, pagsusuka ang buong pamilya kaya nagtungo na ang mga ito sa pagamutan. Naiwan naman ang kanilang lolo.
Dakong alas-4:30 ng hapon kahapon nang isugod na ng kanilang mga kapitbahay si Hernandez sa parehong ospital nang magreklamo na rin ito ng matinding sakit ng tiyan ngunit hindi na umabot ng buhay.
- Latest
- Trending