MANILA, Philippines - Pinabulaanan ngayon ng pamunuan ng Pulse Asia na wala silang ginagawang poll survey sa Quezon City partikular na sa pagka-alkalde at sinabing malamang na gawa-gawa lamang ito ng kampo ni dating presidential chief of Staff Mike Defensor.
Ayon kay Ronald Holmes, presidente ng Pulse Asia wala silang ginagawang anumang survey sa QC na nagsasabing dumikit na ang rating ni Defensor kay Quezon City vice mayor Herbert Bautista na sa ngayo’y tumatakbong alkalde ng lungsod sa ilalim ng Liberal Party.
Dagdag ni Holmes, wala silang survey na Pebrero 15 na ginawa kaninuman sa Quezon City partikular kay Defensor.
“We have not conducted a survey in Quezon City not for this election, not for anyone,” pahayag pa ni Holmes .
Ayon kay Holmes, maituturing na *bogus* ang nasabing ulat na ipinalabas ng kampo ni Defensor.
Magugunitang nagpalabas kahapon ng ulat si Atty. Vic Rodriguez, campaign manager ni Defensor, dala ang diumano’y pinakahuling Pulse Asia survey na kung saan ay nakakuha si Defensor ng 36.4% preferential rating na halos dumikit kay Bautista na diumano ay nakakuha ng 42.5%.
Binanggit ni Holmes na kasalukuyan na silang nag-uusap hinggil sa kanilang magiging susunod na hakbang laban sa naging maling pahayag ng kampo ni Defensor.