MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang naging wakas ng isang 3-anyos na batang babae makaraang mahati ang katawan nang magulungan ng tren ng Philippine National Railways (PNR), kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Nakilala ang nasawi na si Sky Morales, ng A Park 3, Brgy. Sucat, ng naturang lungsod.
Tinukoy naman ng mga residente ang tren na may numerong 130 na patungo sa istasyon nito sa Tayuman, Tondo, Maynila. Nakilala naman ang operator nito na si Froilan Ollero at ang konduktor na si Ramon Burac.
Sa ulat ng pulisya, naglalaro sa riles ng tren ang biktima sa harapan ng tirahan nito dakong alas-6 ng gabi nang hindi mamalayan ang paparating na tren. Hindi na nagawa pang makapreno ng tren at tuluyang napailalim ang paslit na nakaladkad pa ng ilang metro ang murang katawan nito.
Inihahanda naman ng pulisya ang kaukulang kaso na isasampa laban sa operator ng tren bagama’t aminado ang pulisya na posibleng maabsuwelto rin sa kasong kriminal ang operator at konduktor dahil sa panuntunang ipinaiiral ng batas hinggil sa pagbabawal manirahan, tumambay o maglaro sa gilid ng riles ng train.
Muli namang pinaalalahanan ng pulisya ang mga pamilyang nakatira sa gilid ng riles lalo na ang mga magulang na may maliliit na anak na palagiang bantayan ang mga ito dahil sa responsibilidad nila ang kaligtasan ng mga anak lalo na’t naninirahan sila sa isang mapanganib na lugar.