MANILA, Philippines - Tatlong pinaghihinala ang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist groups na sangkot sa serye ng pambobomba ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa raid sa Maharlika Village, Taguig City kahapon ng madaling-araw.
Kasabay nito, nasilat ng mga awtoridad ang pinaniniwalaan umanong planong pambobomba ng mga nasakoteng Abu Sayyaf sa mga komersyal na distrito at iba pang mga matataong lugar sa Metro Manila.
Kinilala ang mga nasakoteng suspect na sina Abdul Racman, alyas Aladin/Asir; Joher Demalon, alyas Ter/Ming at Mujahjid Demalon, alyas Lupin.
Bago ito ay nagsagawa ng surveillance operations ang mga awtoridad makaraang makatanggap ng report na nasa Maharlika Village nagtatago ang mga teroristang Abu Sayyaf na nagresulta sa pagkakabitag sa mga ito dakong ala-1 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar.
Ang tatlo ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Regional Trial Court (RTC) 11 Branch 38 sa Alabel, Saranggani kaugnay ng mga kasong murder, destructive arson at robbery with violence.
Ayon sa ulat, ang mga ito ay miyembro ng terror cell ni Abu Sayyaf Commander Abdulbasit Usman na may ugnayan sa JI terrorist, ang Southeast Asian terror network na naitatag ng Al Qaeda.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang mga detonating cords, 3 blasting caps at 3 hand grenades.