Testigo sa jueteng inambus
MANILA, Philippines - Isang testigo sa jueteng ang tinambangan at napatay ng hindi pa makilalang salarin sa Pasay City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang biktima na si Wilfredo “Boy” Mayor ng BF Homes, Parañaque City na idineklarang patay sa San Juan De Dios Hospital.
Sugatan naman sa pananambang ang pamangkin ni Mayor na si Rommel Mayor, 39 anyos.
Pauwi na ang magtiyuhin at ang manugang ni Mayor na si Allan Benedict Castro pagka tapos magpalipas ng oras sa casino sa Malate, Manila nang tambangan at pagbabarilin sila ng mga salarin.
Ang matandang Mayor ang isa sa mga tumestigo laban kay First Gentleman Mike Arroyo kaugnay ng imbestigasyon ng Senado sa jueteng may ilang taon na ang nakakaraan.
Inutos naman ni Metro Manila Police Director Roberto Rosales ang malalimang imbestigasyon sa insidente at pagkuha sa salaysay ng mga kamag-anak ni Mayor para malaman kung may natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay ang biktima bago ito inambus.
Inatasan ni Rosales si Southern Police District Director Jaime Calunsod na ihanda ang cartographic sketches ng dalawang salarin batay sa paglalarawan ng batang Mayor at Castro.
- Latest
- Trending