P6-B nakolekta sa LTO deal - COA

MANILA, Philippines - Ibinunyag ng Commission on Audit na mahigit sa P6 bilyon na ang nakolekta ng Stradcom Corporation mula sa kontrata nito sa Land Transportation Office.

Ayon pa sa COA, taong 2003 pa nagkaroon ng kasunduan ang LTO at Stradcom para maging exclusive contractor ng LTO para sa pag-iisyu ng student driver’s license at ito ay nagkakahalaga ng P150 sa bawat tatlong buwan.

Lumalabas pa sa report ng COA na sa unang limang taon, umaabot sa P275 milyon ang gross revenue ng Stradcom at ito ngayon ay nawawala.

Unang hiniling ni Congressman Rodolfo Plaza na imbes­tigahan ang nasabing kasunduan. Aniya sa kabila ng ano­malyang ito ay nakakuha pa ang Stradcom ng built-operate transfer contract mula sa LTO para naman sa computerization project nito na nagkakahalaga ng P4 bilyon.

Aniya, hindi tinupad ng Stradcom ang pangako nito na ikokonekta ng high tech-computers nito ang 250 branches ng LTO upang maayos ang serbisyo nito.

Malaki rin ang ipinagtataka ng COA dahil hindi man lang napagmulta ang Stradcom sa kabila ng hindi nito kumpletong natupad ang kontrata sa gobyerno. (Butch Quejada)

Show comments