Logistic officer ng ASG timbog
MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng batas ang isang Logistic Officer ng mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa Sipadan kidnapping sa Sabah, Malaysia noong Abril 2000.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame kahapon, kinilala ni PNP chief Director Gen. Jesus Verzosa ang nasakoteng suspect na si Mujibar Alih Amon, 26, gumagamit ng mga alyas na Bongbong Khatab, Pappong at Appong.
Ayon kay Verzosa, si Amon ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng PNP-Intelligence Group at Special Action Force sa pinagtataguan nito sa Brgy. Umbul Qura Village, Brgy. Buansa, Indanan, Sulu kamakailan.
Si Amon na may P600,000 reward ay nagsisilbing Logistic Officer ni Abu Sayyaf leader Radulan Sahiron, isa sa aktibong miyembro ng Urban Terrorist Group ng Abu Sayyaf at may warrant of arrest na inisyu ni Judge Toribio Ilao ng Regional Trial Court (RTC) Branch 266 ng Pasig City sa anim na counts ng kidnapping at serious illegal detention with ransom.
Inihayag pa ni PNP-Intelligence Group (PNP-CIDG) Deputy Sr. Supt. Abelardo Villacorta na ang JI terrorist na si Umar Patek ang nagsanay kay Amon sa paglulunsad ng urban terrorism.
Kasabay nito, pormal na iniaabot ni Verzosa at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Raul Castañeda ang P600,000 reward sa masuwerteng tipster na nakasuot ng bonnet, sombrero at naka-dark sunglasses at di pinangalanan para na rin sa seguridad nito.
Ang nasakoteng ASG leader ang itinuturong tumanggap ng P5-M ransom para sa kalayaan ni Marilyn Chu noong Oktubre 2001.
Sangkot din ito sa pagdukot sa Amerikanong si Jeffrey Schilling noong 2003, gayundin ang pagpapasabog noong Disyembre 3, 2003 sa airport road sa Jolo, Sulu na kumitil ng buhay ng dalawang sundalo.
Itinuturo rin itong nasa likod ng pagdukot sa anim na miyembro ng Jehova’s Witness sa Patikul, Sulu noong Agosto 20, 2002 kung saan, dalawa sa mga biktima ay pinugutan.
- Latest
- Trending